Nagkaroon ka ba ng laruan na tumagal ng mahabang panahon at ngayon ay gumagana pa rin? ‘Yong laruan na palagi mong hawak at kasama noong bata ka pa. Ang laruan na palagi mong makikita kapag pumasok ka sa kuwarto mo. Hindi mo na nilalaro. Nakapatong na lang sa isang tabi at tila nakatingin sa’yo.
May laruan akong robot. Labing-isang taong gulang na ito. Hindi kabilang sa kupunan ng mga Decepticons o ng mga Autobots. Hindi rin siya kakambal ni Optimus Prime dahil masyadong maliit rin ito. Kung nag-aakala kang ito ang kaisa-isang pinsan ni Bumblebee, nagkakamali ka. Ang pangalan niya ay Zadak. Binigay sa akin ng Tito ko na galing Saudi. Tatlo kami ng mga pinsan ko ang binigyan niya nito. Ang palayaw naming tatlo ay Jan-Jan, Jan-Jan at Jan-Jan. Pare-pareho lang.
Grade IV pa lang kami noon nang namigay siya. Magkaedad kaming tatlo kaya magkaklase din kami. Wala na ang robot nila pareho. Nagkalasog-lasog na ang katawan ng mga ito pero ang robot ko ay malusog pa rin. Mas malusog pa sa akin. Kahit hindi siya mahilig kumain, busog na busog pa rin at ang lusog-lusog. Mahilig sa gulay kaya berde.
Kapag pinaandar ko ito, iilaw ng pula ang mga mata at dibdib niya. At berde naman ang sa dulo ng kanyang baril. Nagsasalita ito.
“My name is Zadak. Drop your weapon. Fire!”
At magpapaputok ito habang umiikot ang kalahating katawan. Maglalakad. Hihinto at muling magsasalita. Paulit-ulit lang ‘yon. Ngingiti-ngiti pa ako noon. Ang saya ng pakiramdam ko habang minamasdan ito. Pero hindi ako nagsasawa sa panonood at pakikinig sa kanyang ginagawa. (Ganyan talaga kapag laruan na ang kaharap ng isang bata. Walang kasawa-sawa.)
Para sa ibang tao, walang halaga sa kanila ang bagay na pinahahalagahan mo sapagkat hindi naman nila alam kung bakit ito mahalaga sa’yo.
Minsan ng may nangyari sa robot ko. Hindi siya nabuntis at lalong hindi siya umihi ng dugo dahil hindi naman talaga nabubuntis at umiihi ang isang laruang robot.
Umuuwi ako sa amin sa probinsiya kapag sabado dahil sa lungsod ako nag-aaral. ‘Pag pasok ko sa luwarto ko, may napasin ako na kakaiba sa loob. Parang may bagay na gusto kong makita pero hindi ko mahanap. At rumihestro agad sa isip ko na may nawawala nga. Ang robot ko. Hindi naman siguro ‘yon dinukot ni Megatron para tubusin at sumuko sa kanya si Optimus Prime. Malabong mangyari pa ‘yon dahil natigok na si Megatron sa Transformers: Dark of the Moon.
Hinanap ko sa buong bahay pero hindi ko talaga nakita. Tinanong ko si Mama at sa kasamaang palad, ang robot ko ay binigay niya sa iba. Nagalit ako. Hindi man lang siya nagpaalam sa akin. Mahigit pitong taong gulang ang batang binigyan niya. Ni hindi ko nga kilala ‘yon. Aanhin ko naman daw ‘yong robot eh malaki na naman daw ako.
Pero mahalaga sa akin ‘yon dahil bigay pa ‘yon sa akin ng Tito ko na ngayon ay lasinggero. Pinabawi ko kay Mama ang laruan ko. Naawa naman ako do’n sa bata kasi tumulo ang mga luha nito. Nahiya naman ako sa sarili ko eh kasi bata ‘yon. Alam kong nagdulot ito sa kanya ng tuwa at saya nang makatanggap ng laruan. Naramdaman ko rin ito noong bata pa ako.
Hindi sa madamot akong tao. Talagang pinapahalagahan ko lang‘yon kaya iningatan ko ng mahabang panahon para hindi masira.
Entry para sa kategoryang Blog o (freestyle) ng Ikatlong Saranggola Blog Awards.
Please i-LIKE, SHARE at COMMENT niyo po itong entry ko, ito 'yong LINK niya: http://www.saranggolablogawards.com/2011/10/ang-luma-kong-laruan-blog.html
Inyo sanang suportahan ito. Sa November 30 na po ang last para sa LIKE, SHARE at COMMENT. Maraming salamat po!
No comments:
Post a Comment