Sa pagsulong ng teknolohiya ay kaalinsabay ng kaunlaran at ekonomiya. Kinalawang na ang mga makinilya at pinalitan ng mga makabagong kagamitan tulad ng laptop at desktop computers.
Ang mga binubukbok na mga libro ay wala na ring silbi dahil nandyan naman na daw ang internet. Hindi na kailangan magkandaduling sa paghahanap sa mga estante ng libro at mga pahina para makita ang hinahanap mo. Nandyan na kasi si Yahoo! at kaibigang Google. Mas pinapadali ang buhay ng mga estudyante, nagpapanggap na estudyante at mga propesyonal.
Sa eskwelahan hindi lang isa o dalawang project o assignment ang bubunuin mo para makakuha ng magandang grado. Ito ang madalas na reklamo ng mga nag-aaral lalo na ang mga nasa kolehiyo.
Meron major at minor na nagpapaka-major subjects. Pinapagawa ka ng research paper, term paper, essay o mga report. Wag mag-alala. Dahil prenteng maupo ka na lang at humarap sa computer. Puwera na lang sa mga book at movie reviews na kailangan ng opinyon mo o di kaya ay mga essay. Buksan ang koneksyon sa internet wala pang kapawis-pawis ay may ipapasa ka na para bukas. Bubuksan ang Microsoft Word.
Copy.
Paste.
Print.
Mas madami ka ng oras para sa facebook i-check ang iyong mga tanim o ang pinapatakbo mong City. Sumulyap sa mga profile ng iyong crush o mga larawan ng mga kaibigan. O kaya naman ay mas marami ka ng oras para sa pustahan nyo sa online games mas nag-iinit ka pa nga sa pagpatay at mas matalas pa ang mata mo sa paghahanap ng kalaban kaysa sa kakatapos mo lang na project.
Pagpasok mo pare-pareho kayo ng gawa ng mga kaklase mo magtataka ka pa ba pareho kayong kumuha sa internet nagkakaiba lang sa font size, font style, disenyo, larawan kung colored at siyempre sa pangalan na nakalagay sa submitted by.
Impokrita ako kung sasabihin kong hindi ko ginawa yun. Hindi lang isang beses o dalawa kundi madami na dahil din sa katamaran at sa pagkakaroon ng mas mabigat na prayoridad sa ibang subjects.
Sino ba naman ang magbabasa noon o binabasa ba talaga ng professor ang pinasa mo? Okey na ito makapagpasa lang. Ganyan ang linya ko din dati na malamang naging linya niyo na rin.
Nagbago ito ng maranasan kong ihagis ng isang professor ang gawa namin lahat. Ibinalik sa amin ng may kulay pulang panulat. Naglitanya siya na maaari kaming kasuhan ng plagiarism sa ginawa namin. At kung gagamitan daw ito ng software, oo may software na maaaring makakita kung alin ang original at sa kinopya lang ay tiyak na mga ilan lang ang mga salitang original dito. Iba ang inaral sa binasa, iba ang inaral sa isinapuso at mas lalong iba ang isinapuso sa tinatak sa utak.
May nagbabasa ng wala din ang aral na naiwan. May inaral ng hindi isinapuso ang binasa. May isinapuso ang pagbabasa pero walang iniwang tatak sa utak kaya madali ding makakalimutan.
Maaaring may mga nagpapagawa ng project ng akala mo wala lang, walang kinalaman sa subject o walang kinalaman sa buhay mo o sa kursong kinukuha mo pero hindi lahat. May mga project na kahit walang kinalaman sa subject ay gusto lang ituro ng propesor na maging kritikal.
Matutunang mag analisa. Matutunang magsuri. Matutunang magbuo ng mga salita, pangungusap at nga sariling likha mula sa pinagkunan. Dahil ito ang magiging bala mo sa tunay na mundo. Tandaan mo ang Google ay hindi kasing kahulugan ng research o thesis. Ngayon kung makakuha ka man ng mataas na grado sa pinasa mo pero copy-paste lang ano ang silbi kung wala ka ring natutunan?