Sa isang private school...
At dahil nga private school, ingles ang karaniwang
ginagamit ng mga estudyante sa kanilang pagsasalita. Saktong Filipino time ng
klase. Pumasok ang gurong may suot na salamin sa mata. Naabutan niyang nagchi-chismisan ang mga estudyante
sa wikang ingles. Naasiwa ang guro sa kanyang mga narinig.
“Magsitahimik ang lahat!” seryoso nitong sabi
at nagsibalikan sa kanya-kanyang upuan ang mga estudyante. “Dahil Filipino ang aking asignatura, wala ni
isa man sa inyo ang magsasalita ng ibang wika, maliwanag?!” istriktang wika
nito.
Tahimik ang lahat sa loob ng room. Hindi
nagkikibuan. Tumayo ang isang lalaki na halatang sa tingin pa lang ay
matalinong estudyante. Nagsalita ito.
“Ang mga namutawi sa inyong mga labi ay
mataman ko pong iimbak sa sulok ng aking balintataw, sa kaibuturan ng aking
puso, gugunam-gunamin, aariing salik ng aba at payak kong kabatiran. Tatalikdan
ang matatayog at palalong banyagang wika, manapay kakalingian, bibigkasin at
sakdal timyas na sasambitin ng aking sangkalooban.”
Tapos nang magsalita ang estudyante pero
nanatiling nakabuka ang bibig ng guro. Walang lumalabas na salita mula rito.
Nose-bleed. Nagmistulang talon ang ilong nito sa malakas na pag-agos ng mapupulang
dugo. Nagtawanan at nagpalakpakan ang buong klase sa loob ng classroom na iyon.
“SILENCE!” Halatang napahiya siya kaya hindi
niya napigilang magsalita ng wikang kailanman hindi niya pinahihintulutan sa
kanyang asignatura. Ang wikang English.
No comments:
Post a Comment